Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangunguwarta lang ang mga ginagawang ­debate sa telebisyon sa panahon ng eleksyon.

Sinabi ng Pangulo sa 2019 ­General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines na ginanap sa Manila Hotel nitong Martes, na hindi lahat ay nasasabi ng kandidato ang mga gustong sabihin sa publiko dahil limitado ang ibinibigay na oras sa kanila sa telebisyon.

Ginawang halimbawa ng ­Pangulo ang naging karanasan niya noong 2016 presidential election na isang minuto at 30 segundo lamang ang ibinigay sa kanila sa debate at kulang na kulang ito sa mga gusto niyang sabihin sa mga Pilipino.

“Frankly I’d like to tell you now, panguwarta lang ‘yan. They earn money because people are lured into their program. And there are so many sponsors because they know that people are viewing that particular station,” ayon sa ­Pangulo.

Hindi aniya masasabi lahat ng isang kandidato ang gustong gawin at pagkatapos ng termino kapag naluklok sa puwesto dahil sa kakarampot na airtime sa mga ­debate sa telebisyon.

“As a matter of fact, kung kandidato ka at bigyan ka lang ng isang minuto, dalawang segundo, five hours, it is really an exercise of not only futility but stupidity,” sabi pa ng Pangulo.