Naaliw kami sa isang TV host na ilang beses sumali sa mga beauty contest.

Sa kuwentuhan kasi namin, nasabi niya na nagtataka siya sa ibang mga taga-showbiz na masyadong nagde-deny tungkol sa kanilang pagpaparetoke.

Si TV host kasi, never na nag-deny sa mga ipi­naretoke niya sa kanyang mukha’t katawan.

“Nasabihan ako before tungkol sa mga interview ko, kasi masyado raw akong naging honest at lahat ng mga ipinagawa ko, inamin ko na, pero totoo naman, kaya naging open lang ako,” sey ni TV host.

‘Yung ibang mga nakasabay niya sa isang beauty contest na sinalihan niya, never umamin na may ipinaretoke sa kanilang mukha’t katawan, pero obvious naman, sey pa ni TV host.

***

PARA sa tatay ni Paul Salas na si Jim Salas, hindi dapat palakihin ‘yung “hamunan” issue between his son and La Luna Sangre actor Daniel Padilla.

Sabi rin ni Jim, nagkausap na silang dalawa ng nanay ni Daniel na si Karla Estrada tungkol sa issue ng kanilang mga anak.

Hindi naniniwala si Jim na galit na galit si Karla sa kanyang anak. Hindi raw ganoon ang nanay ni Daniel.

Maayos ang pag-­uusap nilang dalawa.

Umaasa si Jim na magiging maayos ang lahat between his son Paul and Daniel.

“Noon pa naman, nagkakasama na sila sa mga basketball game. Wala namang dapat pag-awayan!” sey pa ng dating Universal Motion Dancers member.

Samantala, mali ang akala ng iba na si James Salas na kakambal ni Jim ang tatay ni Paul.

Sa tsikahan namin ni James, umaasa siya na maaayos ang “gusot” sa pagitan ng kanyang ­pamangkin at ni Daniel.

Noong una, tinawagan din siya ni Karla, pero klinaro ni James na hindi galit ang nanay ni Daniel nang tumawag sa kanya at sinabihan niya ito na patatawagin niya rito si Jim.

Sa palitan namin ng text message ni Karla, inamin ng Magandang Buhay host na na-stress siya sa “eksena” sa Star Magic Oppo All-Star Game last Sunday.

“Yes, na-stress ako kasi nakita ko kung paano sinahod. Pero nawala agad ‘yung stress ko, kasi, tuluy-tuloy lang ang game. Exciting ang buong laro. Masaya na nakakaloka!” sabi ni Karla sa isa sa mga text niya sa amin.