TV personality, pinagsabay ang mga lalaki

ASAWA NG BAYAN ang tawag sa female TV personality dahil hindi siya makuntento sa isang karelasyon.

Batang-bata pa ang TV personality nang magsimula ang showbiz career niya.
Ang pagsabak sa trabaho sa murang edad ang pinaghihinalaan na dahilan kaya hindi normal ang kanyang pag-iisip.

Mahinhin at hindi makabasag-pinggan ang pagsasalita at mga kilos ng female television personality kaya hindi mahahalata na pinagsasabay-sabay niya ang pakikipagrelasyon sa iba’t ibang mga lalake.

***

Pumayat si Kim Molina dahil sa shooting ng Camp Sawi at sa parti­cipation niya sa hit musical play na Rak of Aegis.

Kahit naging busy siya sa shooting at promo ng Camp Sawi, tinanggap pa rin ni Kim ang alok na lumabas siya sa repeat ng Rak of Aegis dahil ito ang naging instrumento kaya nabigyan siya ng mga movie at television project.

Marunong tumanaw ng utang na loob si Kim dahil ang participation nito sa Rak of Aegis ang dahilan kaya napansin ng publiko ang kanyang talent sa pag-arte at pagkanta.

***

Kim Molina
Kim Molina

PINAG-UUSAPAN ng mga kababayan natin sa Amerika ang kaartehan ng aktor na maraming reklamo at marunong pa sa make up artist na assigned sa kanya para sa isang show.

Mahusay ang make-up artist na naubos ang pasensya dahil tinuturuan siya ng aktor ng mga dapat gawin.

Sa inis ng make up artist, gumanti ito dahil nilagyan muna niya ng make up ang kalaha­­­ti ng mukha ng aktor at saka siya nag-alsa balutan.

Natulala na lang ang nagmamarunong na aktor sa hindi nito inaasahan na eksena ng make up artist.

Mabilis na kumalat sa mga Pinoy community sa Amerika ang prima donna attitude ng aktor kaya iniiwasan na ito na makatrabaho ng mga nakisimpatiya sa make up artist na nairita.

***

Made na talaga si Henri Smegmann aka Generoso Cupal ng News5.
Lumitaw muli ang old video ng panayam niya kay President Rodrigo Duterte noong mayor pa ito at kumakandidato pa lamang bilang pangulo ng bansa.

Si Cupal ang entertainment culture expert ng Kontrabando ng News5 dahil sa kanyang mga brutal at walang paliguy-ligoy na opinyon tungkol sa current events.

Kahit nasa harap ng mga television came­ra, walang pakundangan kung magmura si Cupal na ni minsan, hindi nagpakita ng takot sa MTRCB.

Kasama si Cupal sa mga news reporter ng TV5 na nag-interbyu noon kay Duterte sa se­cond episode ng Happy Hour pero sa dami ng mga nagtanong, siya ang napansin ng publiko.

Natawa ang lahat sa tanong ni Cupal na, “Kung tatatlo lang kayo sa isang isla, sino ‘yung mamahalin mo at sino ‘yung babatutain mo, si Leila de Lima ba o si Etta Rosales?”

Napakamot sa ulo si Duterte bago ito nagbigay ng sagot sa tanong tungkol kina De Lima at Etta na parehong mga kritiko niya.

“Kung sila na lang ang babae? Alam mo, ang totoo niyan, maawa ka naman sa sarili mo, magpakapon na lang ako,” ang mabilis na sagot ni Duterte sa no-brainer question ni Cupal.