Nasawi ang isang mag-ama nang masunog ang kanilang bahay sa Brgy.
Binitayan, Daraga, Albay dahil diumano sa sumabog na television set na pinaniniwalaang naiwanang nakabukas kamakalawa nang gabi.

Base sa ulat ng lokal na pulisya, namatay sa insidente si Dennis Marco at anak nitong si Dennis Angel, 5-anyos.

Nangyari ang insidente dakong alas-11:00 nang gabi kung saan mahimbing na natutulog ang mag-ama sa loob ng kanilang bahay nang makarinig umano ng malakas na pagsabog ang ilan sa kanilang kapitbahay.

Kasunod nito ay sumiklab na ang sunog sa bahay ng pamilya Marco.

Nagising ang mag-ama pero hindi na nagawang makalabas ng kanilang bahay dahil marahil sa labis na pagkataranta lalo pa’t bagong gising ang mga ito.
Hanggang sa pumasok na lamang ang mag-ama sa kanilang banyo pero doon na sila tuluyang na-trap ng apoy.

Pumasok ang mag-ama sa kanilang banyo at doon na nasawi.
Bukod sa kanilang bahay may tatlong tahanan pa diumano ang nadamay sa sunog.

Pinaniniwalaang nakatulu­gan ng mag-ama ang panonood sa telebisyon kung kaya’t hindi na ito napatay dahilan para sumabog.

Pero patuloy pa ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad para matiyak kung ano talaga ang pinagmulan ng sunog.