Dinagit ng Ateneo Blue Eagles ang twice-to-beat advantage sa Final Four matapos paluhurin ang Adamson Soaring Falcons 73-67 kahapon sa pagtatapos ng UAAP Season LXXIX men’s basketball eliminations sa Mall of Asia Arena.

Nagsumite si Thirdy Ravena ng 14 points, 13 rebounds at five assists at tinapos ng Eagles ang regular season sa 10-4 win-loss slate at hablutin ang segundo puwesto sa team standings.

Makakalaban ng Ateneo sa semifinals ang defending champion Far Eastern University na lumanding sa third (9-5) matapos kalusin sa unang laro ang UE, 64-61.

Sumemplang sa No. 4 ang Falcons bitbit ang 8-6 card, makakatapat ang twice-to-beat din at No. 1 seed De La Salle University (13-1).

Tumikada si Mike Nieto ng 12 points at eight boards, kumana si Adrian Wong ng 12 markers para tulungan ang Blue Eagles na umahon mula sa nine-point deficit.

Bitbit din ng Ateneo ang six-game winning streak sa F4.

Umiskor si Papi Sarr ng 17 puntos at 23 boards, bumakas sina Frederick Tungcab at Robbie Manalang ng 16 at 12 points para sa Falcons na natuldukan ang four-game winning run.