Nanindigan ang Manila Police District (MPD) homicide section na hindi gawa ng mga terorista ang kambal na pagsabog kagabi sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay PO3 Ryan Balagtas, nakilala na ang grab driver na nagdala ng sumabog na package.
Kasama sa iniimbestigahan ngayon ng MPD ang ‘Grab Express Rider’ para matukoy kung saan nanggaling ang idineliver nitong bagahe.
Una nang sinabi ni NCRPO Director PCSupt. Oscar Albayalde na ang ‘package’ ay pinick-up ng Grab rider sa SM Manila para ideliver sa isang Atty. Nasser Abinal na isang Imam at umaming may natatanggap na death threat.
Base sa hawak na saksi ng MPD, tatlong beses pa umanong nagtanong ang Grab driver kung nasaan si Abinal.
Hindi tinanggap ng caretaker na si Mohammad Abinga ang package at ibinalik sa grab driver para ibalik naman sa nagpadala nito.
Hindi pa man naibabalik ng rider sa motor ang package ay sumabog na ito.
“Hindi ito act of terrorism malamang ito ay away ng muslim sa muslim kasi kung terorismo ito hindi ito ide-deliver sa isang tao,kundi ilalagay ito sa isang mataong lugar para mas malaki ang magiging pinsala,” ayon kaySPO2 Jonathan Bautista, imbestigador ng MPD-HS.
Magdamag at maghapon nagsagawa ng imbestigasyon ang iba’t ibang unit ng MPD sa blast sites.
Nangyari ang unang pgsabog sa Globo De Oro at Palanca Street bandang alas-5:55 ng hapon at sinundan ito ng pangalawang pagsabog sa Elizondo Street dakong alas-8:25 ng gabi.
Ayon sa MPD, itinuring nilang biktima at hindi suspek ang nasawing Grab driver na nagdala ng package na bomba.
Pasado alas-11:00 na ng umaga kanina nang maialis ang mga bangkay sa pinangyarihan ng insidente bago dinala sa Archangel Funeral.