Tadtad ng saksak sa leeg, nakabalot ng plastic at packaging tape ang buong mukha ng babae at lalaki na hinihinalang biktima ng extrajudicial killings ang natagpuan sa Pearl Drive kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ng mga bystanders ang dalawang biktima na sina Pao Sumagayan, nasa hustong gulang, nakasuot ng maong pants, kulay dilaw na t-shirt, na may tattoo sa kanang kamay na tribal and flower at Diane Navarro, nasa hustong gulang nakasuot ng kulay itim na t-shirt at jogging pants, kapwa nagtamo ng maraming tama ng saksak sa leeg at katawan ang mga ito.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Dennis Desalisa ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police, alas-tres ng madaling-araw nang kapwa matagpuang wala nang buhay ang mga biktima sa kahabaan ng Pearl Drive Boulevard Mall of Asia Complex, Macapagal ng nasabing lungsod.
Ayon kay Ricky Elgario, security guard sa nasabing lugar isang scavenger ang nakakita sa mga biktima at agad na ipagbigay-alam sa kanya.
Nang kanyang tignan ang mga nasabing biktima ay nakita nitong kapwa nakabalot ng plastic at packaging tape ang mga mukha ng mga ito at tadtad ng tama ng saksak ang mga leeg at katawan.
Hinala naman ng pulisya na itinapon lamang sa nasabing lugar ang mga biktima upang iligaw ang imbestigasyon.
Gayunpaman patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at inaalam na rin kung mayroong nakalagay na close circuit television (CCTV) camera at nahagip ang pagtapon sa mga biktima.