Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
12 noon — Arellano U vs. EAC (srs)
2:00 p.m.– San Sebastian vs. Lyceum (srs)
4:00 p.m.– Perpetual vs. St. Benilde (srs)
Pakay ikadena ng Lyceum of the Philippines Pirates ang pangatlong panalo para mapalapit sa top four ng 92nd NCAA men’s basketball tournament.
Sasandalan ng Pirates ang two-game winning streak laban sa San Sebastian College Stags sa ikalawang laro mamaya sa The Arena sa San Juan.
Kasalo ng Pirates sa sixth place ang Jose Rizal University Heavy Bombers tangan ang 2-3 records.
Binitbit ni rookie Ian Alban ang Lyceum sa dalawang panalo kaya biglang nabuhayan ang mga taga-Intramuros sa pinupuntiryang makahirit ng laro sa Final Four.
Inaasahan naman na makikipagsabayan ang Stags dahil uhaw ang mga ito sa panalo.
May 1-4 card ang SSC, kaagaw sa ninth ang Emilio Aguinaldo College Generals.
Sa main game, haharapin ng Perpetual Help Altas ang College of Saint Benilde Blazers.
Muling huhugot ng lakas ang Altas kay Nigerian import Bright Akhuetie para ipagpatuloy ang momentum.
Malaking isda ang nabingwit ng Altas sa kanilang huling salang, umarangkada si Akhuetie ng 21 points, 16 rebounds at three blocks para pisakin ang defending champion Letran Knights 61-55 at isalo sa Arellano U Chiefs sa fourth tangan ang tig 3-2 cards.
“I just want my team to win, whether I score or not,” wika ni 19-year-old Akhuetie.
Paumento ang Altas pero kailangan pa rin nilang higpitan ang depensa sa bawat laro para manatili sa kontensiyon, ayon kay coach Gimwell Gican.