Typhoid fever sa Cordillera tumaas ng 36%

Tumaas ng 36% ang naitalang kaso ng typhoid fever sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Department of Health-CAR, nakapagtala ng 3,242 kaso ng typhoid fever sa loob ng nakalipas na 11 buwan noong 2019 kumpara sa parehong panahon noong 2018 kung saan may 2,366 lamang na kaso ang naitala.

Nabatid pa na may dalawang pasyenteng tinamaan ng typhoid fever ang nasawi noong 2019.

Ayon sa RESU, ang typhoid fever ay isang ‘systematic bacterial disease’ at kabilang sa mga sintomas ang mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pagkabalisa, pagkawala ng gana sa pagkain, paglaki ng lapay, pag-uubo at diarrhea.

Sinabi ng mga medical expert, posibleng makuha ang nasabing sakit sa pagkakasalin sa pamamagitan ng kontaminadong mga pagkain at tubig.
Samantala, sinabi ng DOH-CAR na sinumang makakaranas ng mga sintomas ng typhoid fever ay agad na pumunta sa pinakamalapit na ospital upang masuri ng doktor. (Allan Bergonia)