Mga laro ngayon (Smart-Araneta Coliseum)
2:00 p.m. — DLSU vs. NU
4:00 p.m. — Adamson vs. UST
Parating pa lang si De La Salle star Ben Mbala kaya hindi pa makakalaro sa pangalawang laban ng Green Archers sa 80th UAAP basketball tournament.
Katatapos lang maglaro sa FIBA Afrobasket sa Tunisia ni Mbala para sa Cameroon, paniguradong hindi siya aabot sa laban ng defending champion La Salle kontra National U sa first game mamaya sa Smart-Araneta Coliseum.
Unahan ang Green Archers at Bulldogs sa pagsikwat ng pangalawang sunod na panalo para saluhan sa top spot ang Ateneo (2-0).
Pero sa ipinakitang tikas ng Taft-based squad sa unang laban ay parang hindi problema sa Green Archers ang pagliban ni 6-foot-7 Mbala.
Noong Linggo, impresibong tinalo ng DLSU ang FEU, 95-90, sa pag-angkla ni Aljun Melecio na tumipa ng 29 puntos.
Pangunahing armas ng Cameroon si Mbala pero nabigo sa Nigeria, 106-91, sa quarterfinals.
Dating sentro ng La Salle si Mbala, pagbalik ay forward na ito.
Bumabato na sa tres si Mbala kaya ayon kay La Salle coach Aldin Ayo ay palalaruin niya ang big man sa small forward.
“They’re the defending champions,” ani Bulldogs coach Jamike Jarin. “They’re the best college team right now.”
Samantala, mag-uunahan sa panalo ang Adamson at UST sa pangalawang laro.
Parehong lugmok sa unang laro ang Falcons at Tigers.