Pinana ng De La Salle ang unang panalo sa best-of-three Finals duel nila ng karibal na Ateneo sa UAAP 79 women’s volleyball sa Smart Araneta ­Coliseum kagabi.

Naunahan sa first set ang Lady Spikers, pero nang makabawi sa second ay nagtuluy-tuloy na para isara ang panalo sa four sets 21-25, 29-27, 25-22, 25-20.

Naiwan pa 18-15 ang mga taga-Taft sa fourth frame, bago tumikada ng anim na sunod na puntos para dumikit sa matchpoint 24-19.

Bahagyang ­natahimik ang mga naka-green sa loob ng Big Dome nang makahirit ng puntos si Michelle Morente ng Lady Eagles, pero muli ay nangibabaw ang hiyaw ng DLSU crowd nang ibaon ni Kim Dy ang puntos na nagselyo sa panalo.

Nasolusyunan din ng La Salle ang puzzle ng karibal na dalawang beses tumalo sa kanila sa ­elimination round.

Puwede nang tuhugin ng Lady Spikers ang repeat title sa Game 2 sa Sabado.

Nagsumite si Ernestine Tiamzon ng 15 points, ­tumapos ng 14 si Dy, at may tig-10 pa sina Desiree Cheng at team captain Kim Fajardo.

Pinangunahan ng 16 points ni Jhoana Maraguinot­ ang Ateneo, 14 kay Bea de Leon at 11 si Morente.

Nilista ni fifth-year playmaker Farado ang 37 sa 40 excellent sets ng La Salle, at pito sa 11 service aces ng team.

“Mas gusto niya manalo, ‘yung pagiging leader niya lumabas at sinundan siya ng teammates niya,” lahad ni Lady Spikers coach Ramil de Jesus hinggil kay Fajardo. “Iba ‘yung talent niya, kung gusto niya kaya niyang gawin kaya hinayaan ko na lang.”