UAAP import nanapak ng pari

Sinampahan ng kasong unjust vexation ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section ang isang varsity player ng Adamson University matapos na manulak at umano’y manuntok ng isang pari kahapon ng umaga sa gym ng unibersidad sa Ermita, Maynila.

Nakapiit ngayon sa MPD-GAIS ang suspek na si Papi Sarr, 28, isang Cameron national at kasalukuyang naninirahan sa AdU Falcon Nest sa San Marcelino St., Ermita.

Ayon kay MPD-GAIS chief Police Capt. Arnold Echalar, nagkaroon nang mainitang pagtatalo ang Falcon star player at si Fr. Aldrin Suan Y Ramos, 50, at residente ng 959 San Marcelino St., Ermita, alas-9:30 ng umaga sa SV Gym ng Adamson.

Sa reklamo ni Suan, nanonood aniya siya ng tuneup game ng Adam­son at University of Perpetual nang dumating si Sarr kaya inabot niya ang dismissal letter.

Ikinagalit ng Adamson reinforcement na naglalaro sa University Athletic Association of the Philippines ang sulat at biglang sinuntok sa dibdib, saka kinuwelyuhan umano ang pari sabay sinabing “who are you to do this to me” sa harap ng maraming tao. (Juliet de Loza-Cudia)