Dinagit ng Ateneo ang No. 1 spot sa semifinals nang patumbahin ang defending champion na La ­Salle 12-25, 25-20, 25-21, 25-19 sa UAAP Season 79 women’s volleyball sa Araneta Coliseum kahapon.

Haharapin ng Lady Eagles (12-2) ang No. 4 Far Eastern University (8-6) sa semis, ang Lady ­Spikers (11-3) ay makikipagpalitan ng mukha sa No. 3 ­University of Santo Tomas (9-5).

“Malaking achievement din sa team tsaka ‘yung performance nila sa elimination maganda para pagdating ng semis mataas ‘yung morale nila,” pahayag ni Ateneo assistant coach Sherwin Meneses.

“Ayun naman ‘yun eh, number one ka mas mataas morale mo sa ibang team,” dagdag niya.

Nanguna si Michelle Morente para sa Ateneo sa pinakawalang 14 puntos, 15 digs at 17 excellent ­receptions, nag-ambag si Bea de Leon ng 14 at may 10 si rookie Jules Samonte.

Pinuri ni Meneses ang pag-step up ni Samonte para punan ang nabakanteng posisyon ni Ateneo top hitter Jhoana Maraguinot.

“Maganda ‘yung nilaro ng team, ‘yung posisyon ni Jho napunan ni Jules,” saad niya.

Tumapos si Kim Dy ng 15 puntos para sa La ­Salle, nag-ambag ng 13 si Desiree Cheng, si Majoy Baron ay may 11 at 10 kay Ernestine Tiamzon.

Samantala, pormal na pumasok sa Final Four ang UST nang pagsarhan ng pinto ang National ­University 20-25, 19-25, 25-22, 25-21, 15-12.

Rumatsada tig-22 points sina team captain Sisi Rondina at EJ Laure para sa Tigresses. Nag-ambag sina Christine Francisco at Ria Meneses ng 11 at 10 markers.

Nakabalik sa Final Four ang España-based squad matapos ang apat na taon.

“Ang hirap ng laro, this is (for the) semifinals kaya iba na ang istorya ng labanan. Hindi na ito ‘yung basta-basta sumusuko ‘yung both teams. Kung sinong kukurap, ‘yun ang madidisgrasya,” saad ni UST coach Kungfu Reyes.

“Hanggang sa dulo, pitpitan talaga kami. ­Buwenas lang at kami ‘yung nakakuha. Talagang tiniyaga namin hanggang sa dulo, ayun, at least nakuha namin ang magandang resulta na gusto naming mangyari,” dagdag niya.

Tumapos si Jaja Santiago ng 30 puntos para sa NU na nalaglag sa 7-7 para mamaalam sa kumpeti­syon. Gumawa ng 13 puntos si Jorelle Singh at si Aiko Urdas ay may 11 marka.