Sa ikaapat na sunod na pagkakataon ay muling maghaharap ang National University at Ateneo sa Finals ng UAAP men’s volleyball.
Nakaalpas ang NU sa mahigpit na laban na ipinamalas ng Far Eastern University 23-25, 25-20, 15-25, 25-21, 15-12 sa stepladder semifinals ng Season 79 sa The Arena kahapon.
Nanguna si Bryan Bagunas para sa Bulldogs na may 23 puntos, sina Fauzi Ismail at Kim Malabunga ay nag-ambag ng 18 at 10.
“Sana maging tulong sa amin ang mahabang break nila (Ateneo) and sana nakatulong sa amin ang game na ito,” pahayag ni NU coach Dante Alinsunurin. “Siguro magiging advantage namin ito kasi tumataas ang level ng laro namin.”
Dahil sa ASEAN Summit ay naurong ang UAAP Finals sa May 2 na dapat sana ay sa Sabado na.
Sasamantalahin ni Alinsunurin ang pagkakataon na makapaghanda.
Namigay ng 41 puntos ang NU sa FEU mula sa errors.
Tumapos si Richard Solis ng 15 puntos para sa Tamaraws, tig-13 sina Redijohn Paler at graduating Greg Dolor, kumana ng 10 si Jude Garcia.
Maliban kay Dolor, naglaro sa huling pagkakataon sina Franco Camcam Jr. at Ronchette Villegas sa UAAP.