UAAP: #OneMoreJIAMazingYear

Uaap Ateneo Julia Morado

Nabulabog ang Ateneo at fans sa balitang huling laro na ni ace setter Jia Morado sa team ang katatapos na 79th season UAAP women’s volleyball nang yumuko ang Lady Eagles sa De La Salle sa Game 2 ng Finals.

Inanunsyo ni fourth year playmaker Morado ang kanyang desisyon matapos ang kanilang misa sa Ateneo.

Pero marami ang umaasa na mababago pa ang desisyon ni Morado.

Ayon kay Michelle Morente, susuportahan nito ang magiging desisyon ng kanyang batchmate pero nangako itong gagawin ang lahat para maglaro pa ang kanilang team captain sa huling taon nito bilang Lady Eagle.

“I’ll do everything to make her come back,” ani Mo­rente. “Pero kung ano ‘yung decision niya du’n ako,”

Gumawa pa sila ng hashtag #OneMoreJIAMa­zingYear sa Twitter para kay Morado.

“To be honest, this is worst than a break up. You saying goodbye to us broke my heart into small pie­ces,” bahagi ng mahaba-habang post ni Morente sa Twitter (@MichelleMorente).

Susubukan ding kumbinsihin nina assistant coach Sherwin Meneses at team manager Tony Boy Liao si Morado na lumaro pa sa kanyang final year.

“Sa ngayon dalawang buwan na pahinga ang team, tapos we will talk to her,” saad ni Liao.

“Hindi muna pinag-usapan pero baka bumalik,” hayag ni Meneses.

Para kay Morado masaya siya sa naging performance ng kanilang laro, nakipagsabayan sila hanggang huli kaya naman nanghihinayang ito dahil hindi nakahirit ng Game 3 ang Lady Eagles.

Sa kanyang final game suot ang Blue and White Sabado ng gabi kontra Lady Spikers, nilista ni Morado ang 53 sa 55 excellent sets ng Ateneo at umiskor ng six.