UAAP patuloy ang pagtulong sa mga frontliner

Ilan sa parte ng UAAP community ang walang sawa sa pagbibigay ng tulong para sa mga frontliner na matapang na lumalaban kontra COVID-19 pandemic.

Isa na rito ang Adamson University, na pinagamit ang kanilang dalawang bus para maibiyahe ang mga staff ng Makati Medical Center dahil walang public transport sa panahon ng enhanced community quarantine.

Bukod pa rito, binuksan ang dormitoryo ng women’s volleyball team ng Adamson para may matulugan ang mga staff ng Philippine General Hospital.

Ayon kay Board of Managing Directors Fr. Aldrin Suan, nasa 24-30 staff mula sa nasabing ospital ang nakatira sa dorm, at sagot din ng Adamson ang pagkain ng mga frontliner.

Hindi pa riyan natatapos dahil ang mga stranded na student-athlete mula AdU ay namimigay rin ng mga grocery at pagkain sa ilang barangay sa Manila na lubhang naapektuhan ng crisis.

May personal namang misyon si Jack Animam ng National University para makatulong sa laban kontra coronavirus disease 2019.

Nagpasimula ng fundraising project si Aminam, kung saan ang makokolektang pondo ay ipambibili ng personal protective equipment para sa mga medical staff ng Bulacan Medical Center.

Sa ngayon ay nakakalikom na ng P38,500 si Jack, at sa mga nais pang tumulong, pwedeng magpadala sa GCash sa pangalan na Jack Danielle Animam (+639272563958) at sa PayMaya kay Liiya Patricia Santiago (+639957810238), maging sa BPI sa account number na 2269187819 sa ilalim ng pangalan din ni Animam.