Panibagong golden double para sa University of Sto. Tomas matapos magkampeon ang kanilang men’s at women’s squads sa 81st UAAP judo competition noong Linggo sa Enrique Razon Sports Center sa De La Salle.
Nagpakitang-gilas sina heavyweight Dither Tablan at half lightweight Ryan Benavides upang sakmalin ng Growling Tigers ang 45 points at kumpletuhin ang three-peat at pag-ukit ng record 14th crown overall.
Lumanding sa second place ang Ateneo tangan ang 18 puntos, sumikwat sila ng dalawang gold.
Sumalo ang Blue Eagles sa UST sa korona nakaraang season.
Nagkasya ang University of the Philippines sa tersero puwesto, may isang gold medal silang nasungkit.
Hinirang na season MVP si Tablan habang nakalawit ni Benavides ang Rookie of the Year.
Ang ibang Tigers gold medalists ay sina Russel Lorenzo (extra lightweight), Mitchell Salcedo (middleweight) at George Kim (half heavyweight).
Kinahon ni MVP Khrizzie Pabulayan ang gintong medalya sa half lightweight at sumungkit ng pitong silver medals, kumulekta ang UST ng 36 points upang pahabain ang kanilang pamamayagpag sa women’s division sa limang taon.