Bumangon ang Ateneo sa 2-1 pagkakalubog para itarak ang 18-25, 25-16, 20-25, 25-18, 15-13 panalo kontra National University at sikwatin ang korona kahapon sa Game 2 finals ng UAAP men’s volleyball sa Smart Araneta Coliseum.

Lumabas ang bangis ni four-time MVP Marck Espejo sa deciding set para tulungan ang Blue Eagles na walisin ang Bulldogs sa championship round at dagitin ang pangatlong sunod na titulo.

Hawak ng Ateneo ang 13-10 bentahe sa fifth set pero sumingasing ng tatlong unanswered points ang Bulldogs para tumabla.

Nanatiling matatag ang Blue Eagles, umiskor si Rex Intal at isang butata ni Espejo para selyuhan ang panalo ng Katipunan-based squad.

Tumikada si fourth-year spiker Espejo ng 27 points, ang Finals MVP na si Tony Koyfman ay kumana ng 11 puntos.

May tig-10 markers sina Joshua Villanueva at Intal.

“It’s the work of the Lord, hindi namin in-expect na sweep,” wika ni Ateneo coach Oliver Almadro.

Kumana sina Fauzi Ismail at Bryan Bagunas ng 24 at 20 puntos para sa NU habang may 11 si Kim Malabunga.