
Sa ika-anim na sunod na taon, magtatapatan ang magkaribal na Ateneo at defending champion De La Salle sa UAAP women’s volleyball Finals.
Kinuha ng Lady Eagles ang huling tiket patungong championship round matapos sipain ang Far Eastern University 25-22, 25-10, 16-25, 26-24 sa semifinals ng Season 79 women’s volleyball tournament sa MOA Arena kahapon.
Game 1 ng best-of-three Finals sa April 29.
Gumawa si Michelle Morente ng 16 puntos para sa Lady Eagles, nag-ambag si Jhoana Maraguinot ng 14 at may 12 pa si Bea de Leon.
“Sobrang sarap sa feeling, lahat ng pagod at sacrifice nag-pay off. Lahat ng pinaghirapan namin ng elims, lumabas naman,” saad ni Maraguinot.
Nilista ni Jia Morado ang lahat ng 51 excellent sets ng Ateneo, samantalang si second year libero Deanna Wong naman ay may 20 digs at 11 excellent receptions sa laro na tumagal ng halos dalawang oras.
Hindi hinayaan ng FEU ang Ateneo na ma-sweep sila sa laro nang kapitalan ng Lady Tams ang 11 errors ng Lady Eagles sa third set.
Mainit ang palitan ng matutulis na spikes sa fourth pero nanaig ang Ateneo nang tapusin ni Morente ang paghihirap ng FEU.
Tumapos si Bernadeth Pons ng 14 puntos para sa Lady Tams, at si graduating team captain Remy Palma ay mayroong 12 marka sa kanyang huling laro sa UAAP.