UAAP women’s indoor volleyball Basas,Pons may pabertdey kay Pascua

Mga laro sa Miyerkules:

(Filoil Flying V Center)

2:00 p.m. – UST vs UE

4:00 p.m. – Ateneo vs NU

Sumandal ang Far Eastern University kina Toni Rose Basas at graduating hitter Bernadeth Pons upang silatin ang last year’s runner-up Ateneo de Manila University, 19-25, 25-21, 18-25, 25-20, 15-9 kagabi sa 80th UAAP women’s indoor volleyball tournament sa MOA Arena, Pasay City.

Nagsalansan ng mahahalagang puntos sina Basas at Pons sa crunch time upang itakas ng Lady Tamaraws ang mahirap na panalo at saluhan sa top spot ng team standings ang back-to-back defending champion De La Salle University, National University at University of the Philippines.

Kinaldag ng Lady Maroons ang University of the East, 25-19, 25-13, 21-25, 16-25, 15-8 sa unang laro.

Kumayod sina Pons at Basas ng tig-14 puntos upang tuldukan ang pamamayagpag ng Lady Eagles sa Lady Tams sa loob ng limang taon.

“Magandang birthday gift itong first game, first win namin,” saad FEU coach George Pascua na magdidiwang ng kanyang ika-46th birthday ngayon.

Huling nanalo ang FEU sa Ateneo noong second round ng 75th season.

Bukod sa opensa, ipinakita rin ni Pons ang tikas sa depensa matapos ilista ang 16 excellent receptions at 13 digs.

Kumana si Jho Maraguinot ng 21 pts. para sa Ateneo.