Pagkatapos patiklupin ni Jon Jones si Daniel Cormier sa third round ng UFC 214 para muling sikwatin ang light heavyweight title, nag-ambisyon naman itong hamunin sa octagon si Brock Lesnar.

Binawi ni Jones ang belt nang kumonekta ang matinding sipa nito sa ulo ni Cormier bago tinapos ang kalaban sa ground.

Hawak ni Cormier (19-2) ang belt sa nakalipas na dalawang taon habang nakatengga sa labas ng cage si Jones (23-1). Dalawang beses nahubaran ng belt si Jones, na­bigyan pa ng isang taong suspension dahil hindi pumasa sa doping test.

Matapos ang 2½ rounds ng bakbakan, dumapo ang left head kick ni Jones. Napaatras ang champion, habul-habol ni Jones bago tinapos ang bakbakan sa ground. Suot ni Jones ang belt mula 2011-15.

“Brock Lesnar, if you want to know what it feels like to get your ass kicked by a guy who weighs 40 pounds less than you, meet me in the octagon,” pahayag ni Jones.

Bumalik sa MMA ang dating UFC heavyweight champ na si Lesnar noong isang taon, pero naka-kontrata siya sa WWE bilang professional wrestler.