Dear Sir,
Nag-umpisa ang Balikatan joint military exercises kasama ang tropa ng Amerika noong Lunes sa Camp Aguinaldo.
Ang pagbubukas nito ay pinasinayaan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, Foreign Affairs Undersecretary Ariel Abadilla kasama sina US Ambassador Sung Kim at ng mga military officials ng Amerika at Pilipinas.
Layunin nito na pataasin ang kalidad at kapasidad ng AFP at ng US armed forces. Nakatuon ang nasabing balikatan sa humanitarian assistance, pagpapaabot ng tulong sa oras ng kalamidad at ang pag sugpo sa terorismo. Mga bagay na sadyang kailangan ng ating bansa lalu na sa panahon ngayon.
Maganda rin na magkaroon ng bagong kaalaman at mahasa pa ang ating mga kasundaluhan kung paano mas ligtas, mas mapapabuti at mas mapapadali ang pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan lalo na sa panahon ng unos maging sa kinakaharap na terorismo ng ating bansa.
Sana ay maisaayos na rin ang ugnayan ng ating bansa sa Estados Unidos para sa kapakanan ng ating bayan at ng ating mga mamamayan.
Nikki R. Pabulayan
Fort Bonifacio Taguig
***
Dear Editor,
Ang pagkamatay ng 4 na bandidong Abu Sayaff sa magkahiwalay na sagupaan nila ng mga kasundaluhan ay masasabi natin na lumiliit na ang kanilang ginagalawan dito sa Basilan.
Sa pag kubkob ng mga sundalo sa kampo ng ASG at pagtuldok sa kasamaan ng 4 na miyembro nito, kami bilang mamamayan ng Basilan ay nagpapasalamat sa ating pamahalaan na hindi tumitigil sa pagtugis sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Ang mga bandidong ito ang responsable sa mga krimen na nangyayari dito sa Basilan at tinatakot nila ang mga kagaya naming mga inosenteng sibilyan na huwag mag suplong sa mga kinauukulan tungkol sa kanilang mga kinaroronan.
Kaming mga mamamayan ng buong Basilan ay handang makiisa at makipagtulungan sa ating pamahalaan laban sa mga bandidong ASG. Ayaw na naming ng kaguluhan marami ng buhay ang nalagas dahil sa mga Abu Sayaff.
Sa mga miyembro at may balak pang sumapi sa ASG mag-isip kayo hindi kaguluhan at karahasan ang sagot sa kahirapan, kundi kapayapaan na matagal ng inaasam ng bawat isang mamamayan.
Jhun Santellan
Basilan