UKG ‘di lumabag sa social distancing

Pagkatapos magpahinga dahil sa banta ng COVID-19 sa bansa, nagbalik telebisyon na ang “Umagang Kay Ganda” para kumpletuhin ang umaga ng mga Pilipino sa hatid nitong mainit na balita, makabuluhang mga kwento, at masayang talakayan sa mga usaping mahalaga sa pamilyang Pilipino.

Mapapanood na muli ang UKG barkada nina Amy Perez, Anthony Taberna, Ariel Ureta, Ariella Arida, Gretchen Ho, Jeff Canoy, Jorge Cariño, at Winnie Cordero mula Lunes hanggang Biyernes sa pasamantalang nitong timeslot mula 6 am hanggang 8 am sa ABS-CBN.

Para masiguro ang kaligtasan ng anchors at staff, mahigpit na sinusunod ngayon ng “Umagang Kay Ganda” ang social distancing. Nasa UKG studio sina Anthony, Jeff, at Jorge habang nakisaya mula sa kanilang mga tahanan sina Amy, Ariel, Ariella, Gretchen, at Winnie via video call.

Sa episode noong Lunes (Mayo 4), ipinakita ni Tita Winnie ang kanyang galing sa pagluluto sa pagbabahagi niya isang recipe habang nagpakita naman si “Happinews” ambassador Gretchen Ho ng madaling dance moves para mahikayat ang viewers na gumalaw-galaw kahit naka-quarantine.

Nakapulot din ang viewers ng mga pwedeng gawin habang nasa bahay. Kay Ariel, nakakatulong ang pagkanta para iwas lumbay. Si Tyan Amy naman ginagamit ang oras para mag-bonding kasama ang kanyang mga anak.

Samantala, pasabog naman ang sorpresang song number na inihandog ni Kapamilya star Jona sa mga tagasubaybay ng UKG. Dahil dito, naging third trending topic ang #UmagangKayGandaWithJONA sa Twitter Philippine trends.

Umpisahan ang inyong umaga ngayong quarantine kasama ang “Umagang Kay Ganda” tuwing Lunes hanggang Biyernes mula 6 am hanggang 8 am sa ABS-CBN at iWant.