Patuloy na magiging maulan ang ilang bahagi ng Luzon maging sa ilang bahagi ng bansa dahil pa rin sa pag-iral ng Habagat, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Nakataas pa rin ang babala sa posibleng baha at landslide sa mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera Administrative Region (CAR) at Central Luzon at dahil sa pag-uulan ay makakaranas din umano ng mga pagbabaha sa Zambales kung saan ay nakataas ngayon ang Orange Rainfall Warning habang Yellow Rainfall Warning naman ang nakataas sa mga probinsiya ng Bataan, Tarlac at Pampanga.
Mahina hanggang sa minsan ay malakas na pag-uulan din ang mararanasan sa Kalakhang Maynila maging sa mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija, Rizal, Laguna at maging sa Quezon.
Hanggang sa araw ng Miyerkules ay magiging mataas ang tsansa ng pag-uulan sa bansa at bababa naman pagsapit ng araw ng Huwebes ngunit muling tatataas pagsapit ng araw ng Biyernes.
Sa ngayon ay wala na rin namang namamataang bagyo sa loob man o sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngunit patuloy ang pag-iral ng hanging Habagat lalo na sa Northern Luzon.