Kumabyos si defending 3,000-meter steeplechase champion Christopher Ulboc, naka-salvage ng bronze ang homegrown quartet sa men’s 4×400-meter relays sa 29th Southeast Asian Games athletics competitions sa National Stadium sa Kuala Lumpur, Malaysia Linggo ng gabi.

Natapos ang apat na taong paghahari ni Ulboc sa kanyang sport nang sumapat lang sa fifth place ang tiyempo niyang 9 minutes, 24.75 seconds.

Pinalitan siya sa trono ni Atjong Tio Purwanto ng Indonesia na humarurot sa bilis na 9:03.24. Silver-bronze sina Pham Tien San (9:06.63) at Do Quac Luat (9:07.72) ng Vietnam.

Nakakahinayang, dahil mas mabagal ang oras ni Purwanto kumpara sa 8:59.07 ni Ulboc nang pangi­babawan ang event sa 2015 Singapore SEAG at sa 9:01.59 niya para sa unang gold sa Myanmar noong 2013.

Wala ang injured na sina Fil-Ams Eric Shauwn Cray at Trenten Beram, inako nina homegrown talents Edgar Alejan, Mico del Prado, Archand Bagsit at decathlete champion Aries Toledon ang takbo sa 4×400 at humabol sa podium.

Sapat sa bronze ang 3:08.42 ng apat sa likod ng Thailand (gold) at Vietnam (silver).

Nagdagdag ng bronze si Clinton Kingsley sa men’s 110-m hurdles sa 14.15 seconds, fifth lang si Reah Joy Sumalpong sa women’s discus throw sa ipinukol na 43.81 meters.