ULO BUTAS SA AGAW-ARMAS

dead-pusher

Hindi nakaligtas sa kamatayan ang isang obrero nang mabutas ang ulo nito makaraang tamaan ng bala sa sentido at tumagos sa gawing likuran nang pumutok ang tinangkang agawing baril sa isang pulis kamakalawa ng gabi sa Brgy. Salvacion, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PO2 Anthony Tejerero, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), may-hawak ng kaso, nakilala ang nasawi sa alyas lamang na ‘Cesar’, nasa hustong gulang, binata, at stay-in sa pinagtatrabahuhang Emission Test Center sa 473 Mayon St., ng nasabing barangay.

Kusa namang sumuko sa kanyang superior ang pulis na si PO1 Wilbirth Molina y Dumlao, 25, binata, nakatalaga sa Galas Police Station 11 ng Quezon City Police District (QCPD).

Base sa pagsisiya­sat ni PO2 Tejerero, nangyari ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa loob ng nasabing Emission Center.

Nag-iinuman umano sina PO1 Molina at testigong si Patrick Somer kasama ang ilang kaibi­gan nang makisali ang biktima sa kanilang pagsasaya.

Subalit sa kalagitnaan ng pag-iinuman, pumunta umano ang biktima sa likuran ni PO1 Molina at saka bigla umanong dinakma ang service firearm na nakasuksok sa bewang ng huli.

Dahil dito nagpambuno sa baril ang dalawa, hanggang sa bigla itong pumutok at nasapul sa sentido ang biktima na agad duguang bumulagta sa lupa.

Agad namang isinugod nina PO1 Molina at Somer ang biktima sa United Doctors Medical Center, subalit binawian din ito ng buhay.

Lumalabas sa cursory examination sa bangkay ng biktima na nagtamo ito ng tama ng bala sa kaliwang sentido na tumagos sa likurang bahagi ng ulo.

Under custody naman ng QCPD Police Station 11 ang suspek na si PO1 Molina habang patuloy na iniimbestigahan ang kaso.