Matapos magpakitang gilas sa mga panalo ng University of the Philippines kasama ang dambuhalang upset win sa defending champion De La Salle noong Sabado, ang nasabi lang ni Paul Desiderio ay “Naglaro lang ako.”

Nangalabaw ng 30 points si Desiderio kasama ang six rebounds at five assists para bitbitin ang Fighting Maroons sa 98-87 panalo kontra Green archers sa 80th UAAP basketball.

Hands-down choice ang 20-year-old na si Desiderio bilang Chooks-to-Go UAAP Press Corps Player of the Week (Sept. 18-24).

“Wala akong masabi. Nagpapasalamat lang ako sa mga teammates ko kasi tulung-tulong kami para manalo,” saad ni Desiderio.

Hindi naman naitago ang saya ni UP head coach Bo Perasol sa ipinakikitang laro ni Desiderio.

 “Excellent performance was also made possible by the other guys.” saad ni Perasol. “His teammates are his unsung heroes. They pass the ball to him, they rebound for him, they set screens for him, they do the little things for him,”

Inumpisahan ni Desiderio ang season na may mababang 13 points per game sa 26.3 percent shooting pero biglang tumaas nang talunin nila ang UE matapos magtala ng 28.

“Medyo gigil pa ako sa first two games, pero nga­yon okay na. Nag-relax na ako,” hayag ni Desiderio.

Habang tumatagal, painit nang painit ang opensa ni Cebuano cager Desiderio, ibinaon niya ang anim sa 16 triples ng State U kontra Green Archers.