Sa susunod na taon gagawin ang midterm elections kung saan tatakbo ang mga kandidato sa pagka-senador, congressman, party-list representative, governor, mayor hanggang mga konsehal. At ayon din sa Chinese Horoscope, ito rin ang Year of the Earth Pig.
Mukhang masuwerte ang kombinasyong ito sa mga politiko lalo na ‘yung mga taong nasa malapit sa kusina ika nga. Sa rebelasyon ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, may nakasingit na P2.4 bilyong pork sa congressional district ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa Pampanga. May nakita rin ang senador na P1.9 bilyon sa isang distrito ng Camarines Sur, ang home province ni Majority Leader Rolando Andaya Jr. na tatakbong gobernador sa darating na halalan.
Hindi pa doon nagtatapos ang rebelasyon ni Lacson dahil bilyong piso din daw ang nakasingit sa isang distrito sa Bohol gayundin sa Surigao del Sur. Isa sa kinatawan ng Bohol ay si dating agriculture secretary Arthur Yap, habang sa Surigao del Sur naninilbihan si Rep. Prospero ‘Butch’ Pichay, ang natalong senatorial candidate ni Arroyo noong 2010 elections.
Siguradong marami pang ibang supporter ni Arroyo ang may naglalakihang pork barrel fund, aba’y alangan namang maiwan sila sa ere lalo pa’t last term na ito ng Pampanga solon at iba na ang magiging House speaker sa Hulyo 2019.
Ang kalakaran daw ngayon sa pork project, 10% sa mambabatas at 5% naman sa implementing agency. Halimbawa, kung limang milyong piso ang halaga ng kalsadang ipinagawa ni congressman, kalahating milyong piso ang kanyang komisyon, habang P250,000 naman sa opisyal ng Department of Public Works and Highways. Imagine kung isang bilyong piso ang pork fund, e ‘di P100 milyon ang komisyon ng mambabatas samantalang P50 milyon naman sa opisyal ng gobyerno.
Sa DPWH nakatago ang karamihan sa pork barrel fund ng mga mambabatas. Ang iba ay nasa Department of Agriculture, Department of Education, Department of Social Welfare and Development, Technical Education and Skills Development Authority, Commission on Higher Education at iba pa.
Lahat ng mga insertion ay nakasapin sa panukalang P3.757 trilyong national budget para sa taong 2019. Bukod dito, pinalawig din ng Kamara at Senado ang 2018 General Appropriations Act (GAA) hanggang Disyembre 2019. Ibig sabihin nito, extended hanggang sa katapusan ng susunod na taon ang pondo para sa pet project ng mga mambabatas.
Aba’y talagang sinusuwerte talaga ang ating mga mambabatas sa Year of the Earth Pig. Habang ang mga ordinaryong mamamayan, hindi pa alam ang magiging kapalaran sa susunod na taon.