Patay ang isang kapitan ng barangay matapos itong gilitan ng isang hindi pa kilalang lalaki na kanyang inawat sa pagwawala kahapon nang hatinggabi sa bayan ng Pili, Camarines Sur.
Nakuha pang dalhin sa 9th Infantry Division Infirmary Battalion Medical Dispensary ang biktimang si Barangay Tinangis Chairman Daniel Bismonte, 59, subalit idineklara rin itong dead-on-arrival ng sumuring doktor dahil sa tinamong grabeng pinsala sa leeg.
Patuloy naman ang manhunt operation ng pulisya para sa posibleng pagdakip sa hindi pa kilalang suspek na mabilis tumakas matapos ang pananaksak sa kapitan.
Sa ulat ni Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 5, naganap ang insidente alas-12:20 nang hatinggabi sa Zone 1B, Upper Lampog, Brgy. Tinangis ng nabatid na bayan.
Napag-alaman na rumesponde ang biktima sa nagwawalang lasing na lalaki upang awatin ito subalit mayroon pala itong patalim na agad nitong dinukot sa kanyang beywang at pagkatapos ay ginilitan sa leeg ang kapitan saka mabilis na tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa krimen at sa pagtugis sa
suspek upang masampahan ng kaukulang kaso dahil sa ginawang krimen.