Sa kabila ng paggamit ng reenacted budget ngayong taon, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Budget and Management (DBM) na ibigay ang 4th tranche ng salary increase ng lahat ng mga kawani ng gobyerno.

Ang direktiba ng Pangulo ay nakapaloob sa Executive Order No.76 na pinirmahan noong March 15, 2019.

Batay sa nakapaloob sa Salary Standardization Law, dapat naipatupad ang huling tranche ng salary increase noong January 1, 2019.

Batay sa EO, inaatasan ng Pangulo ang DBM na hanapan ng available na pondo ang salary increase sa 2018 General Appropriations Act hanggat hindi pa naisusumite sa Malacañang ang enrolled bill para sa 2019 budget.

“Pending the e­nactment of the FY2019 GAA, the fun­ding requirements for the compensation adjustment for the FY 2019 shall be charged against any available appropriations under FY2018 GAA, as ree­nacted, to be determined by the DBM, subject to existing budgeting, accounting and auditing rules and re­gulations,” anang EO ng Pangulo.

Hanggang ngayon ay nakabitin pa rin ang 2019 national budget matapos kalikutin ng liderato ng Kamara ang ilang probisyon ng naipasang budget na ina­ngalan ng mga senador.

Sa kabuuan ay mayroong 1.7 milyon na kawani ng gobyerno sa buong bansa. (Aileen Taliping)