Umento sa mga guro ibigay na — Defensor

Kinalampag ng isang mambabatas ang pamahalaan hinggil sa implementasyon ng Salary Standardization Law 5 dahil nganga pa rin umano hanggang ngayon ang mga guro sa mga pampublikong eskuwelahan.

Ginawa ito ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, chairman ng House committee on public accounts, matapos malaman na maraming guro sa Quezon City ang hindi pa natatanggap ang umento sa kanilang suweldo alinsunod sa itinakda ng Republic Act No. 11464 o SSL 5.

Ayon kay Defensor, nakasaad sa batas na magiging epektibo ang umento sa suweldo ng mga kawani ng gobyerno simula noong Enero 1, 2020.

May nakalaan na rin aniyang pondo para sa umento na nakapaloob sa 2020 national budget.

Nauna rito, sinabi ni Defensor na kanya ring nalaman na hindi natatanggap ng mga nurse sa mga ospital na pag-aari ng gobyerno ang kanilang umento. (JC Cahinhinan)