Mararamdaman na sa susunod na buwan ang ipinangakong dagdag-sahod ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at sundalo.
Inihayag ito ni Duterte sa kanyang pagbisita sa 7th Infantry Division ng Philippine Army (PA) sa headquarters nito sa Nueva Ecija kung saan labis naman ang naging kagalakan ng mga sundalo na malaking tulong umano sa kanilang pamilya ang karagdagang suweldo.
“Sabi ko kay Secretary Diokno, hindi naman ikaw ang nangako ng dagdag na suweldo kundi ako kaya sabi ko mapahiya ako kung wala sa budget, we have to look for a way, kaya next month ay may incremental na,” pahayag ni Pangulong Duterte na sinalubong ng palakpakan at hiyawan ng may 500 sundalo na matiyagang naghintay sa kanya ng may ilang oras sa covered court.
Pero, hindi sinabi ni Duterte kung magkano ang magiging unang pagtaas sa sahod maliban sa pagtiyak na magiging doble ito gaya ng kanyang unang ipinangako.
Nang hingan ng reaksyon si retired Gen. Hermogenes Esperon Jr., dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isa sa mga adviser ni Pangulong Duterte, kung saan kukunin ang ibibigay na dagdag-suweldo, sinabi nito na bahala na rito si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno.
Inulit din ni Pangulong Duterte na ginagarantiya nito na bibigyan ng proteksyon ang mga pulis at sundalo basta naaayon sa kanilang trabaho ang kanilang ginagawa.
Ikinuwento pa nito na sa Davao City ay walang pulis na nakukulong dahil protektado niya ang mga ito basta lamang may kaugnayan sa trabaho ang nagawang kasalanan.