Bilangguan ang bagsak ng isang 17-anyos na lalaking nahulihan ng iligal na droga nang sitahin dahil sa paglabag sa curfew sa Gonzaga, Cagayan Huwebes ng gabi.

Ayon kay Gonzaga Police Station chief Major Jeofferson Gannaban, nakita ang hindi na nito pinangalanang menor de edad na suspek habang palakad-lakad sa Brgy. Paradise dakong alas-11:00 ng gabi kung kaya’t sinita ng mga nagpapatrolyang pulis.

Gayunman, biglang tumakbo ang suspek kaya hinabol pa siya ng mga pulis hanggang sa makorner.

Biglang may itinapon umano ang suspek kung saan batay sa imbestigasyon ay hinihinalang shabu na umabot sa 12 sachet at marijuana na nakabalot sa papel.

Nabatid pa sa ulat ng pulisya na tubong Tuguegarao City ang suspek ngunit kasalukuyang nag-aaral sa Gonzaga.

Mahigpit ang pagpapatupad ng curfew sa bayan ng Gonzaga bilang pag-iingat sa coronavirus disease 2019. (Allan Bergonia)