Dear Kuya Rom,
Simpleng kasalan, pero marami ang natuwa para sa amin noon. Limang taon na kaming nagsasama ngayon. May isang anak na paborito ng kanyang lolo’t lola.
Sa palagay ng mga taong malapit sa amin, kaming dalawa ay may maayos na buhay. Pero ang totoo, hindi.
Noong nanliligaw siya sa akin, inamin niyang drug user siya. Alam niyang gusto ko siya, pero sabi ko kanya, kung hindi siya magbabago, ayaw kong makipagrelasyon. Nangako siyang magbabago at nagbago naman talaga.
Tatlong taon na kaming nagsasama nang magkaroon siya ng bagong trabaho. Nalaman kong durugista ang boss niya. Dito nagsimulang bumalik ang asawa ko sa dati, dalawang taon na. Ang boss niya ang gumagastos.
Sinabi kong nag-aalala ako para sa kanya. Ang sabi niya, nag-iingat siya. Kinausap siya ng tatay kong ipapasok siya sa rehab, pero ayaw niya. Ang sabi niya, sa drug rehab, ginagawan ito ng report para sa mga pulis. Umiiwas siyang magkaroon ng record.
Alam kong problema ito, pero wala akong alam na kasagutan. Hindi ko masabing umalis siya sa trabaho niya para makaiwas siya sa droga, kasi malaki ang suweldo niya at kailangan namin ng pera.
Kuya, itago mo ako sa pangalang Sally. Mahal ko siya. Maayos ang aming relationship. Mabait siya. Maligaya ako sa kanya. Kaya lang, hindi ako matahimik. Natatakot akong baka masira ang buhay namin dahil sa droga. Ano ang mabuting gawin? — Sally
Dear Sally,
Ang pinakamabuting gawin mo ay ilapit mo ang iyong asawa sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Ang pagmamahal mo sa iyong mister ang magtutulak sa iyo para ipanalangin siya araw-araw.
Idalangin mong bigyan ng Diyos siya ng kaliwanagan upang gawin niya ang nararapat — ang tumigil siya sa paggamit ng droga. Nagawa niyang huminto noon, kaya’t posibleng magagawa rin niyang huminto ngayon, sa tulong ng Diyos.
Buong pagmamahal na kausapin mo ang asawa mo. Ipakita mong ang hangad mo lamang ay ligtas siya at inyong pamilya sa maaaring masamang kahahantungan ng paggamit ng droga, tulad ng mga nangyayari sa kasalukuyan.
Bilang ama, asawa at lider ng pamilya, siya ay kailangang tumayong modelo ng matuwid na pamumuhay. Gagawin niya ito dahil sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya at para sa kanilang kabutihan at kinabukasan.
Sa kanyang trabaho, magalang na tanggihan niya ang kanyang boss kapag hinihila siyang gumamit ng droga. Maaaring sabihin niya na sumasama ang pakiramdam niya at ayaw niyang maapektuhan ang kanyang trabaho.
Ito ay isang pagsubok na kailangang mapagtagumpayan sa tulong ng Diyos.
Manalig kayo sa Kanya at bibigyan Niya kayo ng tagumpay. Isapuso ang talatang ito: “Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin”. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom
MAHIRAP TALAGA ANG ROBLEMA MO, DAHIL ANG TAONG LULONG SA DROGA HINDI TUMATANGGAP NG TAMANG PALIWANAG AT PAYO..WALANG IBANG MAKAKATULONG SA SARILI NYA KUNG HINDI SIYA LANG… ANG MAGAGAWA MO LANG SA KANYA AY MAHALIN…AT SABIHIN NA HINDI KA NAGKULANG NG PAALALA SA KANYA.. KUNG ANONG MABUTI PARA SA KANYA.