Umiwas sa Road Rage

Patindi nang patindi ang trapik sa Metro Manila. Pahirap din nang pahirap ang buhay. At pataas nang pataas ang stress levels nating mga Pilipino.

Kaya hindi maiwasan na uminit ang ulo ng ilang mga kababa­yan natin  habang nagmamaneho.

Ang tawag dito ay road rage. Ito ‘yung big­la na lang nagdilim ang paningin ng isang drayber sa galit at hinabol niya ang isang motorista na sa tingin niya eh bastos na nag-cut sa kanya. At nang inabutan nu’ng drayber ang ikalawang motorista eh pinagmumura niya ito, hanggang siya rin eh pagmumurahin nito. At dahil sa init ng ulo nilang dalawa ay bumaba sila sa kanilang mga sasakyan at nagduruan, nagsapakan, hanggang sa magbarilan at magpatayan.

Siyempre ayaw natin­ umabot sa ganito ang isang simpleng init ng ulo lang. Pero alam natin na may mga pangyayari na sa pagpatay nauuwi gaya halimbawa ng nangyari kamakailan sa Quiapo kung saan binaril ng isang Army reservist ang isang nagbibisikleta na nakaaway niya dahil lamang sa muntik silang magkabanggaan sa kalsada.

Papaano nga ba makakaiwas sa road rage? May mga tips ako para sa inyo:

1. Magbigay ng mas mahabang allowance sa biyahe para hindi ka nagmamadali. Kadalasan, umiinit ang ulo natin dahil male-late na tayo sa trabaho o sa appointment.

2. Makinig sa mga soft music o audio books habang nagmamaneho. Malaking tulong ito para tayo ay maging kalmado­. Ako’y may mga audio­ books na na-download sa Internet at ito ang pinapakinggan ko sa tuwing­ trapik. Nare-relax na ako, may natutunan pa ako.

3. Huwag natin dalhin sa biyahe ang problema natin sa bahay. Kung meron man tayong hindi­ pagkakaintindihan ng ating asawa o mga anak, kalimutan muna natin habang nagmamaneho. Dahil kung hindi, magpapainit ito ng ating ulo at ang init ng ulo na ito ay puwedeng maibaling sa iba.

4. Iwasang magpuyat. Mainitin ang ulo natin kapag kulang tayo sa tulog. Kung puyat tayo, iwasan na natin magmaneho.

5. Iwasan ang kape o alak. Nagpapataas ng emosyon ang kape o alak. Kung masaya tayo, mas lalo tayong nagiging masaya. Kung malungkot o galit naman tayo, mas tumitindi ang ganitong emosyon natin. Kaya mas maganda na iwasan na natin ang mga ito.

At pang 6. Maging pasensyoso at mapagpatawad sa kapwa. Huwag tayo masyadong mabilis maghusga. Kung may nakabuntot sa ating sasakyan at iniilawan tayo para tumabi, huwag ta­yong magagalit. Bagkus, isipin na lang natin na baka may emergency ang drayber ng sasakyan na nakabuntot sa atin. Isipin palagi ang Golden­ Rule: Kung ano ang gusto natin na gawin sa atin, ‘yun din ang gawin natin sa iba.

Laging maging mahinahon kapag nasa kalsada. ‘Yan ang sikreto para makaiwas sa disgrasya!

Email: junep.ocampo@gmail.com