Umpisa na

Mistulang narindi sa batikos ang Palasyo ng Malakanyang sa kinahahantungan ng inilabas na listahan ng mga sangkot sa operas­yon ng iligal na droga sa bansa kabilang ang tinaguriang narco-generals o sadyang tinapos muna ang masusing pagsisiyasat bago tuluyang inaksyunan ang usaping ito.

Ito ay matapos na ianunsyo ang tuluyan nang pagsasampa ng kaso ng National Police Commission (Napolcom) laban sa ilang police generals na dawit sa illegal drug trade sa bansa.

Ang pagsasampa ng kaso sa mga tinaguriang narco-generals ay isinakatuparan matapos na makitaan, ani PNP spokesperson Sr./Supt. Dionardo Carlos ng Napolcom, ng legal grounds na sampahan ng kaukulang kaso ang mga ito base sa isinagawang imbestigasyon ng Napolcom.

Matatandaang kabilang sa pinangalanan ni Pangulong Rodrigo­ ‘Digong’ Duterte na umano’y mga drug protector ay sina Chief Supt. Bernardo Diaz, Chief Supt. Edgardo Tinio, at Chief Supt. Joel Pagdilao.

Mabuti naman at natapos na ang isinagawang pagsisiyasat ng Napolcom dahil marami talaga ang nakaabang sa kahahantungan ng kasong ito.

Naniniwala kaming mahalagang umarangkada na talaga ang kaso laban sa mga narco-­generals­ gayundin sa iba pang personalidad na nauna nang itinuturong sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa bansa para makita ang sinseridad ng gobyerno sa labang ito sa iligal na droga.

Dapat lamang ding maisampa na ang kaso laban sa mga ina­akusahan upang magkaalaman na at magkaroon din ng pagkaka­taon ang mga inaakusahan na dumepensa at maglabas ng sapat na ebidensya para patunayang malinis sila.

Higit sa anupamang argumento kasi ay ang korte lamang ang maaaring magpasya kung maysala o wala nga ba ang mga inaakusahang heneral na sangkot sa iligal na droga kaya sana ay umusad na ang usaping ito para mapanagot ang mga tunay na maysala sa bayan.