UMUULAN NG DEATH THREATS

Nagbabanta ­umano ang mga nasasagasaan sa pinaigting na ­kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga ng madu­gong resbak sa hanay ng mga opisyal ng barangay na bahagi ng anti-drug campaign ng pamahalaan.

Ito ang napag-alaman mula sa Pasay City Police kung saan maging ang mga opisyal umano ng barangay sa naturang siyudad ay nakakatanggap na rin ng death threats kaugnay sa kanilang pinaigting na kampanya kontra droga.

Gayunman, tiniyak ng pamunuan ng pulisya ng lungsod na kanilang bibigyan ng proteksyon ang mga barangay chairman para sa seguridad ng mga ito.

Ayon kay Sr. Supt. Nolasco Bathan, hepe ng Pasay City Police, may mga ginagawa na silang mga hakbangin kaugnay sa ginagawang pagbabanta sa buhay ng ilang barangay chairman dito ngunit hindi na nila ito ididetalye sa publiko.

Nakipagpulong na rin umano sila sa Pasay City Hall para humingi ng tulong sa pamahalaang lungsod upang mabigyan ng proteksyon ng mga opisyal ng barangay.

Sisikapin umano ni­lang hindi na ­maulit ang ginawang pamamaslang kamakailan sa isang barangay chairman at kagawad ng lungsod ng dalawang la­laking sakay ng motorsiklo.
Patuloy pang iniim­bestigahan ng pulisya ang naturang insidente.

Samantala, ­nagbabala naman ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Dange­rous Drugs Board (DDB) na mahaharap sa kasong kri­minal at administratibo ang mga opisyal ng barangay na hindi magpapatupad ng anti-drug abuse program sa kanilang nasasakupan.

Alinsunod ito sa ipapalabas na joint memorandum ng DILG at DDB.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Epimaco Densing, hindi kasi lahat ng barangay ay nagpapatupad ng programa.

Sa joint memorandum, oobligahin ang lahat ng barangay na magpasa sa DILG ng kanilang anti-drug abuse program at maging ang ilalaan na budget para dito.

Babala ni Densing, hindi na kailangang dumaan sa city council at maari nang agad kasuhan sa korte ang mga ­opisyal ng barangay na hindi susunod sa ipapalabas na memorandum.