Dahil sa pag-uwi ng lasing, nagawang patayin ang isang tricycle driver ng kanyang ka-live in partner sa Purok 2, Brgy. Magallanes, Tayug, Pangasinan noong Lunes.

Kinilala ng Tayug Police Station (TPS) ang biktima na si Bonnie Bautista, 38-anyos, ng Brgy. Poblacion sa nasabing bayan.

Ang ka-live in naman ng biktima ay si Marivic Tubiera, 31, ng nasabi ring barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng TPS, lumalabas na pag-uwi ng biktima ay nakatulog na ito sa loob ng sidecar ng kanyang tricycle dahil sa sobrang kalasingan.

Pinuntahan naman ito ng kanyang ka-live in at pilit na gĀ­inigising upang kunin sana ang susi ng tricycle subalit nang hindi magising ay nainis na ang suspek, pinukpok niya ang mukha ng biktima ng ilang beses nang hindi pa natukoy na gamit na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Naitakbo pa sa ospital ang biktima ngunit hindi na umabot ng buhay.

Nakakulong ngayon si Tubiera sa TPS detention cell at nakatakdang sampahan ng kaukulang demanda. (Allan Bergonia)