Dear Sir:
Dapat lang magkaroon ng concern ang mga namumuno ng United Nations sa kapakanan ng ating mga kababayan dahil may obligasyon sila bilang namumuno sa United Nations.
Lalo na mas tinutuon nila ang rights and freedoms of each person. Ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin na obserbahan ang lahat ng mga lider ng bansang kaanib ng United Nations. Kung sa tingin nila na sumusobra na sa pagtupad ng tungkulin ang mga opisyales ng isang bansa, pumipitik sila at pinaaalalahanan ang mga naturang mga opisyales.
Kaya lang may bantang pananakot ang mga opisyales ng United Nations. Sabihan ba naman na ang, “Philippine officials could be held liable for the killing or summary executions”. Siyempre kahit na sino ay mahahigh-blood sa kanilang tinuran.
Nakikialam na sila sa pamamalakad ng ating bansa. Alam naman na nagdeklara ng giyera ang ating Pangulo laban sa drugs. Talagang madugo ‘yan. Libu-libo pang buhay ang masasawi. Dahil gumon na sa drugs ang mga Pilipino. Iilan na lamang ang hindi naapektuhan nito.
Subalit, dapat maghinay-hinay muna ang ating Pangulo sa pagbibitiw ng salita na tayo ay aalis na bilang kaanib sa United Nations. Maraming consequences ang mangyayari. Tulad ng pag-aangkat at pagpapadala ng ating mga produkto sa mga kaanib na bansa ng U.N.
Maaaring itigil na rin nila ito. Kung magkakaroon ng hidwaan sa pagitan ng dalawang bansa. Sino na ang tutulong sa atin? Hindi na tayo kaanib sa U.N. Wala, sariling sikap na ang mangyayari.
ARCELO A. IGLESIAS
Pasig City