UN official kinastigo sa pang-iinsulto kay Digong

ping-lacson

Umalma si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa panawagan ni United Nations (UN) High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad Al Hussein na sumailalim sa psychiatric evaluation si Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte.

Sinabi ni Lacson na hindi nararapat ang pa­nawagang ito lalo na galing sa mataas na opisyal ng UN.

“Coming from a high official of the UN, mukhang uncalled for. Mukhang ‘di nararapat na lalo sa kanya nanggaling. ‘Di ba dapat medyo mataas ang level niya at sa education, sa demea­nor lahat,” saad ni Lacson sa panayam ng DZBB.

Ipinaalala ng senador na 16 milyon ang bumoto kay Pangulong Duterte na bahagi ng aniya ng demokrasya.

“Para mainsulto ng isang hindi naman natin kababayan parang sa atin hindi nararapat sana nangyari,” dagdag ni Lacson.

Binigyan-diin pa ng senador na kung sa tingin ng marami ay pambabastos ang ginagawa ng Pangulo na panlalait sa iba ay hindi naman dapat ito gayahin.

“Kung sa tingin nila pambabastos ang ginagawa ng Pangulo at marami sa atin ganoon din ang pa­nanaw, bakit naman nila gagawin ang sa tingin nila e mali na pananalita? Sinasabi nila mali, ibig sabihin tama ang pang-iinsultong ginawa ng Pangulo kasi ganoon din ang ginawa niya eh. Coming from a high official ng UN parang ‘di nararapat na sa kanya mismo manggagaling ang ganoong pang-iinsulto,” giit pa ng senador.