Nilinaw kahapon ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar na wala pang pormal na imbitasyong ipinadadala ang Pilipinas sa United Nation (UN) para mag-imbestiga sa sinasabing extrajudicial killings (EJK) sa bansa sa kasagsagan ng kampanya kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte.

Binigyang-diin ng kalihim na sa kanyang pagkakaalam ay kailangang magkaroon ng isang formal invitation mula sa bansa with proper protocol channels bago maging opisyal ang imbitasyon.

Dahil wala pang pormal na imbitasyon ay aalamin umano ng PCO sa tamang ahensya ng gobyerno ang usapin.

“Ito po ay tatanungin natin sa ating Department of Foreign Affairs (DFA), kung anong mga hakbang na ang kanilang ginagawa,” pahayag ni Anda­nar kahapon.

Sinabi ng kalihim na hindi pa magiging opisyal ang lahat sa kabila ng na­ging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaring pumunta sa Pi­lipinas ang UN para mag-imbestiga sa inaakusa nilang EJK sa bansa.

“Kailangan po tala­gang maglatag ng tamang imbitasyon with the pro­per channels, using the proper protocol. At alam natin pagdating sa mga protocols sa bansa natin, ito po ay mayroong — ito’y dapat dumiretso sa Department of Foreign Affairs,” dagdag ng opis­yal.