Una pa rin! Erap 46% sa MTS survey

Nangununa pa rin si incumbent Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada, sa pinakabagong poll survey na may malaking kalamangan laban sa kanyang dalawang kalaban sa pagka-alkalde ng lungsod.

Ang mga ginawang pagbabago ni Estrada at pagbabayad ng bilyong utang ang dahilan upang manatili ang tiwala ng Manilenyo at nagbigay sa alkalde ng 46.3 percent votes kumpara sa nakuhang boto ni dating Manila Vice Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na mayroon lamang 31.0 percent habang 9.6 percent si dating Manila Mayor Alfredo Lim at 13.1 ang undecided.

Isinagawa ng Media Trend Setter (MTS) ang non-commissioned survey sa 1,800 respondents nitong April 12-15, 2019, isang buwan bago ang May 13, 2019 midterm elections.

Ayon kay Rolando Luna, Executive Director ng MTS, si Estrada na nagmana ng P5 bilyong utang noong 2013 ay nangunguna sa limang distrito sa Maynila na mayroong 56.8 percent sa district III at 48.2 percent sa district IV.

Plano ng dating Pangulo ng bansa na ngayon ay alkalde ng Maynila na ipagpatuloy ang kanyang mga infrastructure project tungo sa pagbabago at pag-unlad ng lungsod upang maging nangungunang financial, business at tourism hub sa kanyang huling termino.

Dahil sa positibong resulta ng survey, naniniwala si Estrada na tuloy-tuloy ang kanyang programa na makatutulong na maiahon ang pamumuhay ng mga Manilenyo kabilang ang mga senior citizen at estudyante.

Maging ang running mate ni Estrada na si dating representative Amado Bagatsing ay nangunguna din sa poll survey na nakakuha ng 47 percent, laban sa katunggali na si Vice Mayor Honey Lacuna na mayroong 33 percent habang si dating police officer Elmer Jamias ay nakakuha ng 8% habang 12% ang undecided.