Unahin ang airport bago ang Miss U

Pinaghihinay-hinay ng isang kongresista ang Department of Tourism (DoT) sa planong pag-host ng Miss Universe.

Hirit ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, bago harapin ang pag-host ng Miss Universe, pinakamabuting gawin muna ng gobyernong Duterte ay atupagin ang pagsasaa­yos ng mga paliparan dahil maraming dayuhan ang bubuhos sa bansa kasama ang mga kandidata sa beauty contest.

Itinuturing din ng solon na isang oportunidad at malaking hamon sa gobyerno ang pag-host ng Miss Universe na nauna nang napagkasunduan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Tourism Secretary Wanda Corazon Teo nang mag-courtesy call sa Malacañang si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach.

“Opportunity because we can showcase the Philippines to the whole world. At least 90 candidates will be compe­ting in the pageant, that’s 90 countries watching the Philippines,” ayon kay Villafuerte.

Sinabi pa ni Villafuerte na kasabay ng pago-host ng Pilipinas sa Miss Universe ay tiyak aniyang mapo-promote ang Pilipinas at malaki itong tulong sa ating turismo kaya panahon na aniya para i-reno­vate ang mga paliparan at mga imprastrakturang panturismo.

Huling nag-host ang Pilipinas ng Miss Universe noong 1994 kaya tumpak aniya na ang reigning Miss Universe na si Pia Wurtzbach ang magsasalin ng kanyang korona sa ating bansa.