Mahalaga ang buhay kaya sa panahon ng sakuna lalo na sa sunog, sa halip na mga kasangkapan ay ito ang unang dapat na isaalang-alang at isalba.

Narito ang ilang dapat na unang gawin o mga pa­ngunahing tip sa fire safety:

Ipaalam sa bawat miyembro ng pamilya kung saan ang lagusan o fire exit ng tirahan bago pa sumapit ang sakuna.

Sakaling may makita nang usok o apoy sa mga exit route, manatili sa kuwarto at isara ang pinto.
Dumungaw sa bintana at humingi ng saklolo. Maaaring magwagayway ng makulay at nakakatawag-pansin na bagay o ‘di kaya ay gumamit ng flashlight.

Pag-usapan kung saan dapat magkita-kita o meeting place sa isang ligtas na lugar.

Ituro o pag-aralan ng bawat miyembro ng pamilya kung paano gumamit ng fire extinguisher.

Oras na makaligtas na o makalabas ng bahay ay manatili na lamang sa isang lugar at huwag nang tangkaing bumalik sa nasusunog na bahay. Ipaubaya na lamang sa mga awtoridad o firefighter ang mga gusto pang isalba.

Sakaling wala pa ang mga bumbero sa panahon ng kagipitan o sakaling umabot na sa puntong nasusunog na ang parte ng katawan, magkaroon ng pre­sence of mind. Dumapa sa sahig, takpan ang mukha, at gumulong-gulong hanggang sa mawala ang apoy.

Makakatulong din sa pag-apula ng apoy sa nasusunog na katawan ang pagdapa, paglagay ng kumot, at pagtapik-tapik sa bahagi ng nasusunog na katawan hanggang sa maapula ang apoy.