Unang batch ng repatriated OFWs, makakauwi na

Makakauwi na sa lalawigan ng Capiz ang unang batch ng mga repatriated overseas Filipino workers o OFWs ngayong Martes, Abril 28.

Ayon ito kay Capiz Governor Esteban Evan Contreras base na rin sa isinagawang COVID-19 Capiz Provincial Inter-Agency Task Force meeting.

Sinasabing tutol umano ang lokal na gobyerno ng lungsod ng Roxas na gawing quarantine facility ang Capiz National High School sa Barangay Tiza, Roxas City, kaya pauuwiin ang mga OFWs sa kani-kanilang bayan kung saan ang mga local government units (LGUs) na nila ang mamahala sa kanilang quarantine facility sa loob ng 14-day quarantine period.

Ang naturang mga OFWs na nagnegatibo na sa COVID-19 rapid testing sa Metro Manila ay dadaan sa Iloilo kung saan sa kanilang pagdating sa Capiz ay muling sasalang sa polymerase chain reaction (PCR) test upang masigurong ligtas na at negatibo sila sa virus.

Sa ngayon ay umaabot sa 20 sa halos 200 mga repatriated OFW’s ang unang makakauwi sa lalawigan.