Unang COVID-19 case kinumpirma sa Vatican

Kinumpirma ang kauna-unahang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Vatican City noong Biyernes.

Ayon sa spokesman na si Matteo Bruni, pan­samantalang sinuspinde ang ‘outpatient services’ sa Vatican City cli­nic kung saan nagpapagamot ang mga pari, empleyado, kabilang ang mga nagretiro na, ma­ging ang mga kamag-anak ng mga ito, makaraang makitaan ng nasabing virus ang isang pasyente nitong Huwebes.

Nabatid na ang klinika ay matatagpuan sa maliit na siyudad na may aabot sa 1,000 residente ay isinailim na sa pag­lilinis at pagdi-disinfect habang ang emergency room naman ay nanati­ling bukas at inimpormahan na rin aniya nila ang Italian health authorities.

Sinabi ni Bruni, bilang protocol ay nakikipag-ugnayan na rin sila sa lahat ng mga naglabas-masok sa naturang klinika.

Samantala, nasa 3,385 na ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa COVID-19 mula sa iba’t ibang bansa.

Sa nasabing bilang, 3,042 ang mula sa China kung saan nakapagtala ng 30 bagong nasawi sa nakalipas na magdamag. Mayroon namang 343 ang bilang ng mga nasawi sa iba pang bansa at teritoryo.

Kasama rito ang Ita­ly – 148 kung saan 41 ang bagong nasawi; Iran – 108 kung saan 16 ang bagong nasawi; South Korea – 40 at lima rito ay bagong nasawi; USA – 12, France – pito, Diamond Princess at Japan – anim; Spain – tatlo.
Bukod pa ito sa Iraq na nakapagtala na ng tatlong patay; Hong Kong at Australia – dalawa at tig-isa naman sa Switzerland, United Kingdom, Thailand, Taiwan, San Marino at Pilipinas.

Mayroon nang 80,552 COVID-19 case sa China, pumangalawa naman sa pinakamaraming kaso ang South Korea. (Dolly Cabreza)