Unang food bank sa Tondo, bubuksan ng SMC

Ilulunsad ng San Miguel Corporation (SMC) ang una nitong food bank at community center na naglalayong bigyan ng libreng pagkain at kabuhayan ang tinatayang 3,000 pamilya o katumbas na 15,000 katao na kasama sa mga pinakamahihirap na residente sa Tondo, Maynila.

Ayon kay SMC President Ramon Ang, ang Better World Community Center ay maitururing na ‘first of its kind’ dahil magsisilbi itong food bank, soup kitchen at livelihood training center para sa mga pamilyang kulang pa ang kinikita para sa kanilang mga pangangailangan.

Itatayo ang center sa 1,000-square meter na lote na dating ginamit bilang warehouse ng alak sa Barangay 101 sa tapat ng relocation site na Aromaland at Happyland sa Tondo.

Sinabi ni Ang na nakipagsanib-pu-wersa sila sa local chapter ng international organization na Rise Against Hunger (RAH) para maisakatuparan ang kanilang food bank at soup kitchen.

“A lot of problems faced by lower-income families, especially hunger, are rooted in inequality. We are committed to bridge that gap,” paliwanag ni Ang.

Sa ilalim ng programa, tutulong ang RAH para ipunin at kolektahin ang mga sobrang pagkain mula sa San Miguel Food and Beverage, Inc. (SMFB), sa food service arm nilang Great Food Solutions, pati na rin sa Manila Diamond Hotel at Makati Diamond Residences para ihanda sa mga mahihirap na residente sa Tondo.

“Donated food will be stored in a food bank in the community center. SMC and Rise have set up a system that is sustainable for the long-term and will maintain strict standards for hygiene,” dagdag ni Ang.

Samantala, magkakaloob naman ng libreng pagtuturo sa mga batang mag-aaral sa Tondo ang isa pang partner nilang A-Ha Learning Center. Gagawin ito pagkauwi sa bahay at pagkatapos ng klase ng mga mag-aaral.

Tuturuan naman ng mga programang pangkabuhayan ng Better World Community (BWC) ang mga residente para matulungan silang kumita at maibsan ang dinaranas nilang kahirapan. (Mia Billones)