Unang ginto binuhat ni Hidilyn kumikinang!

JAKARTA – Tinuldukan ni Hidilyn Diaz ang halos pitong dekadang pagkauhaw sa gold medal, at 48 taong tagtuyot sa medalya ng Pilipinas nang ideliber niya kagabi ang buena-manong gold sa 18th Asian Games 2018 sa kasagsagang ginaganap na 18th Asian Games 2018 sa pangunahing lungsod na ito ng Indonesia.

Nagtagumpay ang 27-anyos na dalagang tubong Zamboanga City sa weightlifting women’s 53-kilogram event sa kaligayahan ng mahigit sa 100-milyong Pinoy saan mang panig ng mundo at sa mga nasa Jakarta International Expo Hall A.

Panunod ito ni Diaz sa silver medal niya sa 31st Summer Olympic Games 2016 sa Rio de Janeiro at silver-bronze din niya sa 83rd Men’s & 26th Women’s WWC 2017 sa Anaheim, California, pagresbak tapos mabokya sa 2014 Incheon Asiad.

Nag-qualify sa AG si Diaz dahil sa pagsegunda sa Rio de Janeiro Olympics noong nakalipas na Agosto. At higit sa lahat ay nakaabangers na kay Diaz ang tumataginting na insentibong P6-milyon.

Bago dumating ang matamis na gold, ang mga medalya pa lang ng bansa sa Asiad lifting ay limang silver mula sa huling nanalong si Salvador del Rosario noong 1970 sa Bangkok, Pedro del Mundo, Rodolfo Caparas at Rodrigo del Rosario noong 1954 sa Manila, at Rodrigo ulit noong 1951 sa New Delhi.

Sina Pedro Landero, Joaquin Vasquez at Alberto Nogan ang mga naka-bronze noong 1951, 1954 at 1958 sa Tokyo, ayon sa pagkakasunod.