Dalawang araw na lang ay Undas na, at malamang na nakabiyahe na kayo paalis ng Metro Manila patungo sa bakasyon kasama ang pamilya. Long weekend kasi at kapag ganitong panahon, sinasamantala nating mga Pilipino ang pagkakataon para makapunta sa malalayong lugar at makapagpahinga.
Pero sana, sa ating pagbabakasyon ay huwag natin kalimutan ang tunay na dahilan bakit may Undas.
Ang panahon na ito ay para gunitain natin ang ating mga mahal sa buhay na namatay na.
Pumupunta tayo sa sementeryo, nililinis ang kanilang libingan, nag-aalay ng bulaklak, kandila at panalangin.
Para sa akin, isang magandang paraan ng pagpapahalaga sa Undas ay ang pagkukuwentuhan sa pamilya tungkol sa mga ala-ala ng taong sumakabilang buhay na.
Puwedeng ilabas ang mga lumang photo albums at alalahanin ang mga karanasang magaganda para naman ma-appreciate din ng mga kabataan ang taong inaalala.
Sa ganitong paraan, mas nagiging makabuluhan ang Undas para sa atin. Nabibigyang pansin natin ang mga taong minsan sa ating buhay ay nagmahal at tumulong sa atin.
Balang-araw, tayo rin ay mamamatay. Kung masisimulan natin ang ganitong tradisyon sa ating pamilya, darating ang araw na tayo rin ay pagkukuwentuhan nila sa araw ng Undas.
***
Email: junep.ocampo@gmail.com