‘Undaspot’ drug test

drug-test

Pinagbawalang bumiyahe ang 10 bus driver at dalawang konduktor na nagposi­tibo sa paggamit ng iligal na droga sa isinagawang Oplan Undaspot drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga bus terminal sa buong bansa.

Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na kinum­piska nila ang lisensya ng mga naturang bus dri­ver na nagpositibo sa drug test at hindi muna pinayagang makabiyahe habang isinasailalim pa sila sa confirmatory test.

Ayon kay Aquino, ang kanilang progra­mang Oplan Undaspot drug test ay dahil na rin sa talamak ang paggamit ng iligal na droga sa mga nasa industriya ng transportasyon kaya’t nalalagay sa pa­nganib ng aksidente ang kanilang mga pasahero.

Nanindigan din si Aquino na dapat na managot ang mga naturang bus driver na gumagamit ng iligal na droga.

Nabatid na kabilang sa mga nagpositibo sa drug test ay mula sa mga bus terminal sa Ilocos region, Batangas City Grand Terminal, Bicol Central Station, North Bus Terminal sa Central Visayas, Abucay New Bus Terminal sa Eastern Visayas, Zamboanga City integrated bus terminal, isang bus terminal sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Bicol Isarog bus terminal, at Araneta bus terminal Quezon City.

Isinagawa ang Oplan Undapost ng PDEA bago ang Undas sa pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.